Huling Gabi, Huling Araw

Noong huling gabing tayo’y magkasama,
kumuha ng litratong panghahawakan
na habang buhay nating aalagaan
at oras-oras nating pagmamasdan.
Sa tuwing malungkot dahil sa distansya
nandyan para bigyan ka ng ligaya.

 

Noong huling araw na tayo’y magkasama,
tayo’y nangako na ating ipaglalaban,
na tayo’y nandito at merong aabangan,
tayo’y magsasama sa kinabukasan.
Ang distansya man ay mahirap at malala
pero di hihina ang pagmamahalan.

 

Noong huling gabing tayo’y magkasama,
tayo ay magkatabi sa isang kama
sa loob ng yapos na di mabibitaw,
at mga luhang walang katapusan.
Walang sawang hawak ng pagmamahalan
na kahit sandali tayo’y masaya.

 

Noong huling araw na tayo’y magkasama,
sinulit natin ang oras sa paliparan.
palihim pumasok sa loob ng hintayan
at nagyakapan na tipong walang hanggan.
Ang oras di sinayang, tinatak sa puso
na sa isang araw muling magkikita.

 

Noong huling gabing tayo’y magkasama,
nalakbayan ang islang ipinangarap.
Nalampasan ang kaguluhang malala,
at naramdaman sintahang wagas.
Tayong dalawa’y para sa isa’t isa,
at wala ng masasabi ang iba.

 

Noong huling araw na tayo’y magkasama,
Nagpigil tayong dalawa sa paghagulgol
at nagmukmuk na lang habang tayo’y nalayo
dahil ang ating tahanan ay wala na.
Pinagitan ng distansya’t naging mag-isa
Kailan kaya muling magkakasama?

 

Ilang huling gabi ang lumipas,
ilang huling araw ang naranasan,
Walang pigil ang pagmamahalan
at hindi matatalo ng distansya
ang pagsasamang nabuong wagas.
Kahit mapilitan tayo maghintay.

 

Magkakaroon ng panahon na,

Ang huling gabi at huling araw
ay di na tayo magkakalayo.
Ang huling gabi at huling araw
ay magiging kahapon na muli.

 

Ang ating huling gabi at huling araw,
ay magiging ala-ala ng kahapon.

Dahil tayo’y muling magkasama ngayon.

0 replies

Leave a Reply

Want to join the discussion?
Feel free to contribute!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *